Isang mapagpala at mapagpalayang umaga sa inyong lahat. Napansin ko lang noong kinakanta natin ‘yung DTI Hymn, dapat nagpakita tayo ng sigla para tayong nagdadasal. Tama rin naman na kailangan isa-puso, pero kulang lang sa sigla ang tingin ko. So ulit, kapag kumakanta tayo medyo may palakpak, para naman lalong mapasigla ang ating organisasyon. Unang-una, ‘di ko ito nagawa noong nakaraang linggo, dapat nagtipon-tipon tayo sa flag raising ceremony noong Martes. Noong nakaraang linggo ang unang araw ng trabaho para sa taong 2023, hindi nangyari ‘yun dahil noong araw na ‘yun ay tumungo kami sa Beijing para sa State Visit ni President Marcos, Jr. sa China; at, nakabalik naman kami bago matapos ang linggo. Ngayon nagkaroon tayo ng pagkakataon na isagawa itong flag raising ceremony na ito ngayong unang araw ng pangalawang linggo ng taong 2023.

Siguro noong nag-usap tayo noong January 3, sabi ko nawa’y nagkaroon kayo ng pagkakataon na makapagpahinga at magre-charge ng mga batteries. Nawa’y nagkaroon din kayo ng sapat na panahon na makasama ang inyong mga kapamilya at mga kaibigan. Alam nyo naman na doon tayo nakakakuha ng energy kapag nakakasama natin ang ating mga minamahal sa buhay.

Ngayon na nag-umpisa na ang trabaho nitong taong ito, ang makakasama natin madalas ngayon naman ay ang ating DTI Family. Mayroon din tayong pamilya dito sa ating pinagtratrabahuhan. Sa totoo lang, mas maraming oras ang nauubos natin sa ating pakikipag-ugnayan sa ating mga kasamahan sa trabaho, kaya napaka-importante na magkaroon tayo ng magandang samahan dito sa ating organisasyon.

Maganda nga ‘yung mga iniisa-isa natin dito yung panunumpa sa watawat, ginawa natin ‘yan noong araw na estudyante pa tayo, araw-araw natin sinasabi yan; panunumpa ng kawani ng gobyerno mayroon din tayong mga obligasyon at responsibilidad para dyan; may awit ng serbisyo sibil at, DTI Hymn. Halos pare-pareho ang mensahe niyan na magbigay tayo ng magandang serbisyo sa bayan, sa ating mga kapwa Pilipino, at lalong-lalo na tayong DTI na humihikayat ng mga foreign investors na magtayo ng mga businesses o industries dito sa atin at kailangan patunguhan din natin sila ng maayos.

Siguro itong pagkakataon na ito, importante ring isipin natin kung ano bang nangyari noong nakaraang taon. Dahil nga nagsimula ako sa gitna ng taong 2022, siguro ako ang pananaw ko ay doon lang mula noong July 1st na nag-umpisa ako sa aking tungkulin sa DTI. Ang tingin ko naman ay nagkaroon ng satisfactory accomplishments tayong mga nasa headquarters dito sa Makati, at sa mga opisina natin sa regions, at sa mga probinsya. Palagi natin paulit-ulit ano ba ang ginawa ng DTI? Mayroon tayong tatlong kataga na ginagamit — trabaho, negosyo, konsyumer. Ang ating goal ay mag-create ng jobs (trabaho) at magagawa natin ito kung mapapalago natin ang negosyo; at, ang negosyo ay mapapalago lang kung mayroong mga konsyumer na magtatangkilik sa mga negosyong ito; at, sa pagkakataong ang mga konsyumer naman ay para mapagpatuloy ang kanilang pagtangkilik ay kailangan naman silang satisfied. Ang trabaho rin natin ay siguraduhin na hindi sila naloloko, binibigyan natin sila ng proteksyon. Kabit-kabit yan ano, at wag ninyong titignan nang hiwa-hiwalay itong mga obligasyon na ito, at magagampanan natin ang ating tungkulin bilang DTI. Trabahuhin natin na magkaroon ng mga trabaho, ang magbibigay ng trabaho ay negosyo, at ang negosyo ay mapapalawak lamang at mapapalago kung ito ay tatangkilikin ng mga konsyumers, at itoy’ mangyayari lang na magkakaroon ng loyalty ang mga konsyumers kung ang kanilang karapatan ay nabibigayan ng proteksyon.

Sa mga susunod na mga buwan, alam nyo ang bagong taon ay tinitignan natin bilang pagkakataon ng bagong panimula. Hindi naman tayo magsisimula sa tinatawag na square one, ‘di tayo babalik doon. Ang importante maipagpatuloy natin ang mga nagawa natin noong mga nakaraang taon. Ano ba itong nabanggit ko na nga: ‘yung ginawa natin para makadagdag ng trabaho, mapalawak ang negosyo, at maproteksiyunan ang ating mga konsyumer. Ang isang importanteng nagawa natin ay ma-promote yung ating industrialization strategy. ‘Yun ang importanteng maintindihan ng lahat na binibigyan natin ng direksiyon papaano ba palalaguin ang ekonomiya ng Pilipinas.

Tayo sa DTI, ang contribution natin ay industrialization—mapalawak ang mga industriya dito sa atin. At naka-focus tayo na binibigyan natin ng prioridad ang apat na clusters ng industry. Unang-una ang Industrial, Manufacturing and Transport Cluster, ang objective natin dito ay ‘yung ma-introduce at mapalago ang electric vehicles dito sa ating bayan na tutugon na rin sa issue ng environment, at tutugon na rin sa issue ng paggamit ng available natural resources natin kamukha ng nickel ore. Sinasabi nga natin na ‘yung nickel ore hindi dapat i-export bilang mineral, kung hindi dapat dito i-process para makapag-produce ng battery na gagamitin naman sa electric vehicle.

Pangalawang cluster ay ‘yung tinatawag nating Technology, Media and Telecommunications. Dito sa cluster na ito, pumapaloob ang mga BPOs, yung mga trabaho na nag-iinvolve ng technology o digital technology, specifically.

Pangatlo, yung Health and Life Sciences, naging importante ito lalo noong nagkaroon tayo ng pandemya na nandito pa rin sa atin, kaya marami sa atin naka-mask pa rin, hindi pa talaga nawawala. Sa industrial cluster na ito ay pipilitin natin na ma-develop ang pharmaceutical industry dito sa Pilipinas.

At ang pang-apat ay ang tinatawag nating Modern Basic Needs and Resilient Economy. May mga bagay-bagay na kinakailangan palagi kagaya ng pagkain, edukasyon, infrastructure, babagsak ‘yan doon sa 4th cluster na modern basic needs ng ating bansa na ating kinakailangan para maging resilient ang ating economy. Ibig sabihin ang economy natin ay hindi basta-basta mabubuwal ng anumang kalamidad.

Gusto ko lang wakasan ang aking mensahe sa inyo na ulitin na malaki ang inaasahan ng ating bayan sa atin. Gampanan natin ang ating responsibilidad ng buong husay, ng buong sigla, at buong puso, at sa pamamagitan nyan ay malaki ang magiging kontribusyon natin sa pag-unlad ng ating bayan. At ang pag-unlad ng ating bayan, ang ibig sabihin nyan ay pag-unlad ng bawat isa sa atin na rin. Maraming salamat sa inyo ngayong umaga.

Date of released: 09 January 2023