Boac, Marinduque — Matagumpay na naisagawa ang Marinduque Expo 2025: Agri-Tourism, Trade and Food Fair noong April 1-30, 2025 sa Moriones Arena, San Miguel, Boac, Marinduque. Ang isang buwan na expo ay naging sentro ng pagpapakita ng husay at galing ng mga produktong gawa ng mga MSMEs mula sa iba’t ibang sektor ng lalawigan.
Pinangasiwaan ng Provincial Government of Marinduque sa pamamagitan ng Provincial Tourism and Cultural Office, katuwang ang Department of Trade and Industry (DTI) Marinduque, ang nasabing programa na naglalayong palakasin ang agri-tourism at itaguyod ang mga lokal na produkto at serbisyo ng Marinduque.
Nilahukan ito ng 122 MSMEs mula sa iba’t ibang sektor tulad ng food and beverage, non-food sector, kabilang ang creatives, Coconut Farmers and Industry Development Plan (CFIDP) MSMEs, blue economy, handicrafts, at marami pang iba.
Ayon sa tala, nagtamo ang expo ng kabuuang benta na ₱10,478,254.44, isang patunay ng patuloy na suporta ng mga lokal at dayuhang bisita sa mga produktong Marinduqueño. Bukod sa pagbebenta, nagkaroon din ng mga business matching, at cultural presentations na lalong nagpasigla sa kabuuan ng programa.
Ayon kay DTI Marinduque Provincial Director Dr. Roniel M. Macatol, ang tagumpay ng expo ay bunga ng matibay na ugnayan ng mga MSMEs, lokal na pamahalaan, at iba’t ibang partner agencies na sabayang nagtutulungan para sa patuloy na pag-unlad ng industriya ng turismo at kalakalan sa lalawigan. “Ang Marinduque Expo 2025 ay patunay ng galing at husay ng ating mga MSMEs. Patuloy tayong magsisilbing kaagapay ng mga negosyante sa pagbibigay ng oportunidad at pagbuo ng mas maraming merkado para sa kanilang mga produkto,” ani PD Roniel Macatol.
Inaasahan na sa mga susunod pang taon, lalo pang lalawak at lalago ang expo na magsisilbing daan hindi lamang para sa ekonomiya ng lalawigan kundi pati na rin sa pagpapakilala ng natatanging kultura at likhang Marinduqueño sa mas malawak na merkado. ♦
Date of Release: 02 June 2025